Bagamat hindi mataas ang bolyum kumpara sa gusto ng mga tagahanap ng lehitimong breakout, nilampasan ni PGOLD ang 42 na ilambeses nyang sinubukang basagin bago pumailanlang na ngayon. Kung bumili ka sa 42.1 noong 10/02, mayroon ka na ngayong mga 8%. Kung kasama naman sa mga natakot noong Miyerkules at nagbenta sa 45, oks na rin ang +7%.
Paalala ng mga tagasunod ng sistema na ito na magkitil ng talo sa pinakamalapit na support kung peke pala ang breakout. Sa kaso ng PGOLD, sa 40 o 38 mag-cutloss.
'Malinis' ang istayl na ito, subalit mas eksayting ika nga ang sumubok mamingwit sa ilalim. Tulad ng totoong isport sa fishing, napakasaya (tingin mo'y napakagaling mo) kapag tama ang hula na ilalim na talaga ang napagbingwitan.
Ang karaniwang guide ng mga mangingisda sa ganitong istayl ay ang RSI. Kapag sumasadsad sa 30 ang RSI, pero solido naman ang kita at kinabukasan ng kumpanya, dapat daw mamingwit na. Sa kaso ng SECB na dinispatsa ng mga pondo dahil sa mababang ulat ng kita noong nakaraang quarter--
--kung bumili ka sa dulong 105, meron ka nang 30%+ ngayon. O kung sa saktong 30 RSI bumili (mga 118 ang presyo dito), 16% pa rin ang kita. Mas mataba nga ang ganansya at para kang henyo o pinagpala ng maykapal kapag bumili sa isang mababang presyo at biglang tumaas agad mula doon.
Subalit napakahirap nga namang alamin kung talagang dulong ibaba na ang mabibingwitan. Pano kung sumadsad pa sa nuwebe halimbawa ang RSI?
Ang sagot siguro ay, kahit anong sistema man yan, kailangang ang fundamentals pa rin ng kumpanya ang saligan. Tuluy-tuloy pa rin naman ang kita ng SECB at makikita naman sa paligid ang patuloy na pagsulpot ng mga branches ng bangkong ito (nag-eexpand ang negosyo), kaya siguro marami ring pumasok at sumuporta sa bandang 105-110.
Ganon din sa mga sumabak sa GTCAP. Di na kailangang hintayin pa na umabot sa 30 ang RSI sa kumpanyang ito ng mga Ty, solido naman kasi ang Toyota, Metrobank, at Insurance na pag-mamay-ari nito, at pag tinignan ang graph, parang malaki na ang probabilidad na tumalbog sa 750 ang presyo dahil ilambeses nya na ginawa ito noon.
Ang problema nga lamang kapag may matinding bad news sa bansa o sa merkado (tulad ng QE easing), maaaring lumagpak pa sya ng husto. Sa kaso ng GTCAP, umabot pa sa 700 ang lagpak (maiging dagdag na lang siguro pag abot doon).
Alin sa dalawa ngayon ang mas mabisa? Walang aksyon masyado pag hintay lang nang hintay ng breakout. Madalas lang ang kasong ito kapag 'overall uptrend' ang merkado. Kapag ganoon, hindi na nga kailangan maghintay ng breakout, dahil lahat halos (lalo ang mga magagaganda ang paglago ng kita) ay tataas. Kung aksyon ang gusto, ang mamingwit sa inaakalang dulong-ilalim ang magagamit. Ganoon din kapag di kalakihan ang itataya.
Kabaligtaran naman ang sa mamingwit sa ilalim. Bihira naman ito kapag tumataas ang merkado sa pangkalahatan. Madalas, ang mga bumabagsak ay ang biglaang bad news sa pang-araw-araw (halimbawa, ang biglaang paghahabla ng smuggling ka PNX).
Pero pwede namang gamitin pareho. Tandaan lamang marahil na ang fundamentals pa rin ng kumpanya ang dapat saligan. Ang PGOLD ay patuloy naman ang paglaki. Dito rin kami nag-go-groceries ng pamilya. At dapat walang malaking bad news ang kumpanya. Halimbawa ang MPI at MWC sa ngayon--dahil sa order ng MWSS na magbaba ng singil, di pa solido ang sitwasyon nila para hulaang mamingwit sa ilalim. Kasama na ang mga minahan na napakalikot ng presyo at wala pang liwanag ang kinabukasan hanggang di naaayos ang batas sa pagmimina sa Pilipinas.
Alin ang magandang abangan ang breakout sa ngayon? GLO siguro, subalit di ganon kalakas ang paglago ng negosyong ito kumpara sa PGOLD. Pwede rin ang ICT? JFC? DMPL?
Alin naman ang magandang abangan sa baba? VLL sa 5-5.05, AP sa 30 - 31, AEV sa ... magbasa ng forum tulad ng SMP para makasamang mamingwit. Madalas may isang pondo lang na piniling idispatsa ang stock, kaya nagiging parang bargain ito panandalian. Ang sarap talaga kapag nakatyempo ng ganire.
No comments:
Post a Comment