Thursday, September 5, 2013

Ever Gotesco



Isang milestone na ito para sa Ever: pagkatapos ng ilang taon, sa wakas nagkaroon din ng stockholder's meeting ang kumpanya. Dangan kasi'y sinuspinde ng SEC ang trading ng EVER dahil puro kanselasyon ng ASM ang ginawa nito.

Kaya pagkatapos manunog ng Gotesco Grand Central at isa pang mall sa Divisoria, napilitan na ring gumastos sila Jose Go nang pagkain para sa ASM. Libre ang lugar, dahil sa isang pasilyo lang sa bilding nila ginawa. Ano naman kaya ang chibog? Matsakaw na tustado?

At ito na pala ang President CEO ngayon


At hindi raw siya quitter ayon sa artike na itong pinamagatang "When quitting is not an option" Hanep brad, magkano ang bayad mo sa advertorial na yan?

Ito nga pala ang mga na-ihalal na mga direktor:

1. Jose C. Go
2. Evelyn C. Go
3. Joel T. Go
4. Lourdes G. Ortiga
5. Jonathan T. Go
6. Antonio P. Jamon Jr.
7. Christian Grant Yu Tomas

Ito si Jose Go. 


Sino naman kaya si Jamon at Grant Yu Tomas na nagpapagamit pa ng pangalan para maging lehitimo ang board na ito? Nakakatulog pa kaya sila Jose Go nang mahimbing sa gabi? 

Dalawa ang personal kong kakilala na may malaki-laking tindahan ng selpon sa Grand Central. Noong maliit pa lang ang sunog, pinipilit sana nilang pumasok sa bungad lang ng mall para makapagligtas man lamang ng ilang paninda na di biro ang halaga. Pero nakaharang ang mga guwardiya agad sa harap at hinihingan sila ng permit na pirmado dapat ng mall manager na natutulog pa yata. Tumayo sila maghapon sa labas. Ang siste, nang mapatay ang sunog sa isang gawi ng mall, meron namang apoy na nanggagaling naman sa isang dulo. Sa huli, 80 oras bago napatay ang sunog. Tatlong araw na maghapon at magdamag! Kundi ba naman nasusunog pati mga sementong pader ng mall, masyadong matindi lang ang pampasiklab at gatong sa loob.  

Lugi nga pala ang EVER nitong nakaraang taon. Nagsimula lahat ito noong Financial Crisis ng 1990's. (I-google lang ang Jose Go, Orient Bank, etc...interesante ang mga kuwento ng panggagantso). Bilang resulta yata, kilalang-kilala na ang mga Go ngayon na mananakbo sa kanilang mga pinagkakautangan. Wala na ring lokal na insurance na tumatanggap ng polisiya nila. Ang pinakamasakit--nagkamali sila ng tyempo sa negosyo, oo, pero hindi ito dahilan para mang-ulul rin ng mga tenant nang walang habas. 

Tinatamaan din ng malas ang mga Go kamakailan. Lubog na lubog noon ang Ever sa Pasig dahil sa Ondoy, at nandoon pagbabanta ng baha tuwing umuulan nang malakas. Ipakahulugan kaya ito bilang karma, at magtino pa kaya ang mga Go? Sayang at winaldas pati ang magagandang alaala ko noon habang nanonood ng sine sa Gotesco Caloocan. At pagpunta sa bargain bins ng pambansang bukstor sa Grand Central. Sunog at panggagantso na lang ang tatak na ipinalit. 

No comments:

Post a Comment