Gayunpaman, napakaigi pa rin ng aking Biyernes dahil sa pelikulang OTJ na sa wakas ay nagkaoras panoorin sa Trinoma.
Panalo ang pelikula!
Mahusay si Joel Torre. Napakahusay!
Swak na swak ang pagkakapili sa mamang ito para gumanap kay Tatang Maghari.
Si Gerald Anderson naman, bagamat sobra ang gigil sa ilang eksena, pasa na rin ang arte. Si Piolo ay talentado naman pero masyado lang maganda. Dapat ginupitan man lang nang mas ordinaryo at pinabaho, pinalagkit, at pinapawis nang onte lalo sa mga barilan at yong mga eksena sa Tondo. Sa mga nagagawi sa mga looban maiintindihan ito. Nasa bungad ka pa lang sa estero, nanlalagkit ka na. Kaya nga di nagkakasakit ang mga bata doon.
At wala kang masasabi sa supporting cast--mula kila Rosanna Roces, Angel Aquino, Mon Confiado--nakuha nila ang kailangang emosyon o empathy sa bawat segundong nasa screen sila. Si Vivian Velez halimbawa, na gamit lang ang kuko at cutix sa ilang frame, ay naiarte na ang dapat nyang iarteng malupit pero propesyunal na kontratista. Isa pa, sa selpon, sabi ni Vivian "Hindi pwede yan, Tatang..." Kung boss mo ito sa kompanya, at inutusan kang pagandahin pa ang palamuting pie-chart sa report mo, aba, baka nilagyan mo pa ng animation at sound!
Ang mukhang wala lang sa lugar, at mukhang isiningit lang, ay yaong babaeng syota ni Gerald na naghubad. Pero dagdag na tiket na rin siguro kapag may boobs ang pelikula.
Hindi predictable ang latag ng istorya. Hindi predictable ang ending. Kudos kay Michiko Yamamoto na sumulat din ng magagandang pelikulang Endo, Maximo Oliveros, Zombadings. Nagsisimula talaga siguro ang ganda ng pelikula sa solidong iskrip.
Hindi rin i-ni-spoonfeed ang mga manonood. Angganda non, irespeto ang talino naman ng manonood na pinoy. Nakibakas sa budget ang Star Cinema, pero hindi sangkot sina Cathy Garcia-Molina, Laurenti Dyogi, at iba pang kulokoy ng Dos na walang ibang alam gawin kundi paulit-ulit na pelikulang kapos, butas-butas ang plot, na pati ang titulo ay kinatatamaran nang pag-isipan (kinukuha na lang sa kanta). Maigi na wala silang input, maski ipinaubaya nila ang kanilang mga artista. Mukhang hinayaan ang mga indie pipol na dumiskarte, kaya maigi ang kinalabasan.
Malinis at pulido na ang pagkakailaw, pagakakaispat, at pagkakakuha (cinematography). Mukhang hindi lang iisang kamera ang ginamit sa ilang eksena. Ginastusan s'ya sa mga dapat pagkagastusang mga tagpo.
Ang disenyo ng produksyon ay dinaig pa ang Bourne ni Renner na Hollywood Movie, na mas malaki ang badyet, subalit di naman sinamantalang gamitin ang ganda/pangit at tigas ('grit') ng Kamaynilaan. Samantalang si Matti sinimulan pelikula sa pista ng San Juan (basaan ng tubig) sa makulay na Quiapo, dinaanan ang dilim ng mga eskinita sa Tondo, ang interyor ng mga bahay sa pinagtagpi-tagi sa mga estero at looban, at buong tapang ding ginamit ang munisipyo ng Maynila (akalain mong di pa pala tuluyang limot ang Arroceros). Pati ang istasyon ng LRT sa Doroteo Jose at Carriedo (at ang tunog ng pagsasara ng pintuan ng tren) ay ekpertong nagamit sa mga nakakakabang eksena. Naalala ko tuloy ang adbentyurs ko noon sa pagpasok sa isang hayskul, at buhay-buhay sa Sta Cruz.
Ang galaw ng kamera ay dinamiko. Bagamat kitang-kitang kopya ang sisteng ito mula kina PT Anderson, Brian de Palma, at Wes Anderson, iba pa rin ang dating dahil sa loob ng munti, sa dilim ng Escolta, sa malibag na Hospital ng Maynila ang background.
Suportahan natin ang OTJ, mga bok, para naman mamuhunan na rin ang ABS at GMA7 sa mga ganitong klaseng pelikula na pwede na ieksport sa ibang bansa. Hindi simpleng aksyon, kakaiba, solido, hindi boring. Kayang-kaya naman pala natin gumawa ng ganito maski patay na sila Brocka at Bernal.
Ganito ang produkto, Dos at Siyete. Ito ang produktong magpapakita ng husay natin, makakakontribyut pa kayo sa GDP ng Pinas pag nagkataon.
Manood ng OTJ! Ngayon na, bok!
No comments:
Post a Comment