Sinulat sya ni Galgani
na alagad ni Bill O'Neill na sumulat naman ng mas mahabang librong ito:
Nakailang edisyon na ang mas sikat na librong green. Si O'Neill naman ay tanyag na tanyag din bilang matagumpay na investor sa US stock market, kung kaya't ang kanyang CANSLIM (na itinutulak ng parehong libro) ay kilalang-kilala rin.
Ang libro ni Galgani, ayon kay Galgani, ay suplemento sa aklat ni O'Neill. Mas tutok sa aksyon at mas binibigyan daw ng diin ang mga hakbang, at mas ineengganyo ang mga nagbabasa na simulan na ang mas matalinong sistema (gamit ang librong blue). Hindi kinakailangang beginner investor ka dahil kung pulpol ang sistema mo, nais ni Galgani na iwasto ka para di maubos ang iyong kapital. (paraphrase ko na ito)
Bukod dito, mahigit 500 pahina yata ang libro ni O'Neill (ang alam ko meron si Turmukesh nito), samantalang ang kay Galgani ay mahigit 200 lang. Dagdag pa, kung eestimahin ang bilis ng progreso ng pagbabasa ko sa kindle app, mukhang malalaking letra pa ang pagkakaprint sa libro, bukod sa bugbog ng mga charts. Hindi malabong matapos ng isang lingguhan ang aklat ni Galgani kung ganadong-ganado ka. Sa normal naman... akong kumakayod araw-araw nasa 3/4 na wala pang isang buwan.
Susubukan kong sumulat ng ilang komento sa bawat kabanata ng libro, para rin maging solido ang sarili kong pag-aaral.
Ito na ang para sa Kabanata 1:
Sa unang pasok pa lang ang diin agad ng awtor ay tungkol sa kailangang proteksyon sa pera na pag-aari na, kailangan ang malasakit sa kapital, kailangang hindi mawala ang perang nasasayo na. Anya, masusunod nang madali ito kung susundin ang kanyang unang patakaran: "kapag ang isang stock ay bumagsak ng 7% - 8% mula sa pagkakabili mo, BENTA na agad. Walang nang tanong-tanong." Makikita raw na mas madaling mapapalago ang pera kapag sinunod ang tuntuning ito. Pati raw sila O'Neill daw ay nagkakamali. At ang mga magagaling na investor ay mabilis na aakuin ang kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng pagkitil sa pagkatalo, habang maaga pa.
Ang pangalawang alituntunin, bumili lang ng stock kapag ang buong merkado ay kumpirmadong paakyat na (in a confirmed uptrend). Ang dahilan: kapag bulagsak daw ang merkado, 75% ng stocks ay kasamang babagsak kahit ganong kagagaling ang mga kumpanyang ito, kaya't dapat mamili lang kapag pataas ang palitan para mas mataas ang pag-asa ng taya.
Ngayon, paano malalaman kung nasa confirmed uptrend na ang stock market? Simple lang... kailangan daw tumingin sa IBD.com at tignan kung may nakasulat na "confirmed uptrend."
Ito ang unang puwedeng ipula sa libro. Mukhang hindi agad siya akma sa kahit saang market sa labas ng Estados Unidos. Dangan kasi, gusto agad pagkakitaan ang mambabasa para mag-subscribe sa IBD.com, e hindi pa nga nakakaporma sa unang kabanata.
Isa pa sa likot ng ating merkado... at sa nakita nating dali (easying-easy ika nga) at walang pakundangang kayang pabagsakin ng mga banyaga ang esem ng -10% sa isang araw, baka ang "benta agad kapag 8% na ang talo" ay mahirap rin lalo't kapag ang araw na yun ay araw lang ng paglabas halimbawa ng iisang naghaharing Deutsche. Kumbaga, hindi ganong kalaki ang ating PSE para sabihing -8% sa isang stock ay palpak taym na at kailangan nang lumabas. Mas maigi kayang maglagay man lang ng araw na bibilangin bukod sa porsyento ng talo? Halimbawa, kapag tinamaan ng -8% sa loob ng limang araw o higit pa?
Subalit dito pa lang, sasabihin ko na ang lohika ng -8% ay may katumbas ng +20% sa sistema nila Galgani. Sa mga susunod na kabanata, ang utos naman ay magbenta kapag umabot na ng +20% ang ganansya. Ito ang halimbawa ng risk-reward na sinasabi ng mga eksperto. Ang risk:reward sa kasong ito ay 1:2.5. Matatalo ka ng piso sa ilang 'kaunting' pagkakataon (kung susundin pa ang iba pang batas ng CANSLIM) sa bawat tatlong pisong kikitain (maraming beses mangyayari, kung susundin ang iba pang utos ng CANSLIM) .
Ang iba pang laman ng kabanata ay mga eksampol at suporta sa dalawang kautusan, at pahapyaw sa mga susunod na sangkap ng canslim, mula sa pagtingin sa mga dating pangyayari hanggang sa mga totoong stock na perpekto sa canslim at swak na swak kung pinasok ayon sa mga ituturo ng libro.
Sa huli, bagamat hindi syento porsyentong akma sa PSE ang mga hakbang na idinedetalye, solido ang sinasabi ng Kabanata 1. Kung hahayaan nyo akong i-paraphrase:
- matutong mag-cut-loss ng mas mababang porsyento kaysa sa pinaplanong kita.
- wag papasok nang hindi pataas ang merkado; matutong maghintay.
Yun nga lamang, kailangang alamin kung akma ba ang -8% sa atin, lalo kung shakeout lang ang nangyayari sa isang stock na nag-te-trade lang ng kaunting milyon (average na kung baga sa atin, pero maliit pa rin para sa mga banyaga). Kailangan bang mas mataas, mga -10%? At pwedeng 25% naman ang pagbenta para hindi mabago ang risk-reward ratio? O lagyan ng ilang araw na palugit (ibenta sa -8% kapag inabot ito ng isang linggo)?
Kailangan ding malaman at gumawa ng sariling sukatan at indicator kung kailan ang uptrend para sa PSE (dahil hindi tayo minomonitor ng IBD.com). Kapag lumampas na ba sa 200-day simple moving average ang presyo ay confirmed uptrend na?
Sa susunod na Linggo, sisikapin kong magsulat naman tungkol sa Kabanata 2 ng libro ni Galgani.
No comments:
Post a Comment