Thursday, August 1, 2013

Pa-ispesyal na Moody's

Maraming salamat kay katotong Turmukesh sa pagkaloob sa akin ng pagkakataong makilahok sa blog na ito. Susubukan ko ring iladlad ang aking edukasyon at galaw sa maliit ngunit sariling-atin na Philippine Stock Market.

Pero sariling atin nga ba, o sakop din sa manipulasyon ng mga banyaga? Heniwey... nawa'y dumami pa ang mga pinoy na makilahok sa PSE para makalaya na tayo sa mga kuko ng mga Kano, Australyano, atbp.

Nais kong magkomento dito kay paispesyal na Moody's.



Minsan ko nang nakita ang banat na ito ni Thomas Friedman, ang kolokoy na nagsulat ng The World is Flat. Maraming pinahirapan ang librong ito, pero sa ibang araw ko na ipapaliwanag. Ito na lang muna ang quote ni Friedman hinggil sa Moody's.

There are two superpowers in the world today in my opinion. There's the United States and there's Moody's Bond Rating Service. The United States can destroy you by dropping bombs, and Moody's can destroy you by downgrading your bonds. And believe me, it's not clear sometimes who's more powerful.

Susubukan kong isalin sa pinoy dahil pinoy ang panulat ko dito

Dalawa ang matitinding maykapangyarihan sa mundo ngayon, sa opinyon ko. Nandyan ang Estados Unidos at nandyan ang Moody's Bond Rating Service. Ang Estados Unidos kaya kang wasakin gamit ang mga bomba, ang Moody's kaya kang pinsalain sa pamamagitan ng pag-downgrade ng bonds mo. At maniwala kayo sa akin, hindi maliwanag minsan kung sino ang mas makapangyarihan sa dalawa. [anya ni Friedman]

Trabaho talaga ng Moody's na mag-reyt-reyt maski noong siglo-siglo na ang nakakaraan. Moody's Manual of Railroads and Corporation Securities pa ang pangalan ng ibinebenta nila noon na report; Moody's Analyses of Investments na ngayon. 

Biruin mong binabayaran pa sila para lamang malagyan ng greyd ang mga securities? Minsan naman nadedemanda sila dahil nilalagyan nila nang greyd ang hindi naman nagsusumite ng sarili para magpa-greyd. I-google na lang ang mga kasong ito nang maliwanagan. 

Heniweys, itong Moody's na ito ang pinakahuli at mukhang pinakamabusisi bago ibigay ang inaasam na pangatlong Investment Grade Rating ng Pinas. Ito ang magbibigay ng dagdag engganyo at eksaytment sa mga kapitalista na maglagay pa ng pera, at pataasin ang halaga ng mga stocks at bonds sa ating merkado.  




Bagamat nadedemanda rin ang Moody's sa pulpol at posibleng kurap na mataas na rating sa mga walang kwentang bonds noong krisis ng 2008, pinapalabas ng Moody's na prestihiyoso ang analisis nila. Isang grupo pa raw ng mga eksperto ang nandidito ngayon para siyasatin ang mga ekonomista at opisyales ng goyerno, mga data at tala, mga susog at suporta, at... mag-birhaus posible dyaan sa may Paranaque.

Oo, kayong mga taga-Moody's, maiintindihan ninyo ito dahil may pinoy sa pangkat ninyo ngayon. Wag na kayong mag-inarte. San ka makakakita ngayon ng 7.8% na paglago ng GDP? Kung may dinoktor man dyan, di tataas ang diprensya nang 1.0%... ibig sabihin malapit pa rin sa tumataginting na siyete! Ilabas nyo na ang upgrade! Wala nang tse tse buretse! Ibigay nyo na. Ilabas nyo na. Dalawang magkasunod na talon sa rating. A+ na agad para kakaiba kayo, dahil yun ang gusto nyo, at walang kaparis! Papainumin na lang namin kayo kung gusto nyo. Kontakin nyo lang kami rito.

No comments:

Post a Comment