Showing posts with label rants. Show all posts
Showing posts with label rants. Show all posts

Thursday, September 5, 2013

Ever Gotesco



Isang milestone na ito para sa Ever: pagkatapos ng ilang taon, sa wakas nagkaroon din ng stockholder's meeting ang kumpanya. Dangan kasi'y sinuspinde ng SEC ang trading ng EVER dahil puro kanselasyon ng ASM ang ginawa nito.

Kaya pagkatapos manunog ng Gotesco Grand Central at isa pang mall sa Divisoria, napilitan na ring gumastos sila Jose Go nang pagkain para sa ASM. Libre ang lugar, dahil sa isang pasilyo lang sa bilding nila ginawa. Ano naman kaya ang chibog? Matsakaw na tustado?

At ito na pala ang President CEO ngayon


At hindi raw siya quitter ayon sa artike na itong pinamagatang "When quitting is not an option" Hanep brad, magkano ang bayad mo sa advertorial na yan?

Ito nga pala ang mga na-ihalal na mga direktor:

1. Jose C. Go
2. Evelyn C. Go
3. Joel T. Go
4. Lourdes G. Ortiga
5. Jonathan T. Go
6. Antonio P. Jamon Jr.
7. Christian Grant Yu Tomas

Ito si Jose Go. 


Sino naman kaya si Jamon at Grant Yu Tomas na nagpapagamit pa ng pangalan para maging lehitimo ang board na ito? Nakakatulog pa kaya sila Jose Go nang mahimbing sa gabi? 

Dalawa ang personal kong kakilala na may malaki-laking tindahan ng selpon sa Grand Central. Noong maliit pa lang ang sunog, pinipilit sana nilang pumasok sa bungad lang ng mall para makapagligtas man lamang ng ilang paninda na di biro ang halaga. Pero nakaharang ang mga guwardiya agad sa harap at hinihingan sila ng permit na pirmado dapat ng mall manager na natutulog pa yata. Tumayo sila maghapon sa labas. Ang siste, nang mapatay ang sunog sa isang gawi ng mall, meron namang apoy na nanggagaling naman sa isang dulo. Sa huli, 80 oras bago napatay ang sunog. Tatlong araw na maghapon at magdamag! Kundi ba naman nasusunog pati mga sementong pader ng mall, masyadong matindi lang ang pampasiklab at gatong sa loob.  

Lugi nga pala ang EVER nitong nakaraang taon. Nagsimula lahat ito noong Financial Crisis ng 1990's. (I-google lang ang Jose Go, Orient Bank, etc...interesante ang mga kuwento ng panggagantso). Bilang resulta yata, kilalang-kilala na ang mga Go ngayon na mananakbo sa kanilang mga pinagkakautangan. Wala na ring lokal na insurance na tumatanggap ng polisiya nila. Ang pinakamasakit--nagkamali sila ng tyempo sa negosyo, oo, pero hindi ito dahilan para mang-ulul rin ng mga tenant nang walang habas. 

Tinatamaan din ng malas ang mga Go kamakailan. Lubog na lubog noon ang Ever sa Pasig dahil sa Ondoy, at nandoon pagbabanta ng baha tuwing umuulan nang malakas. Ipakahulugan kaya ito bilang karma, at magtino pa kaya ang mga Go? Sayang at winaldas pati ang magagandang alaala ko noon habang nanonood ng sine sa Gotesco Caloocan. At pagpunta sa bargain bins ng pambansang bukstor sa Grand Central. Sunog at panggagantso na lang ang tatak na ipinalit. 

Wednesday, August 28, 2013

Masiba

Hindi makukumpleto ang linggong ito kung walang post tungkol sa isang masiba.


Siksik-liglig-umaapaw ngayon ang news tungkol sa inyo. Good reading pa itong series na ito.

http://newsinfo.inquirer.net/465861/napoles-benhur-luy-has-another-boss-it-is-not-me

http://www.abs-cbnnews.com/lifestyle/08/08/13/jeanes-blog-fashion-show-were-school-projects-says-dad

o-kaya i-google Napoles, at nang ma-entertain sa bwisit.

Sa sobrang tagal na siguro nilang nandarambong, feeling ng masiba at nang kanyang pamilya na parte na sila ng sistema. Na isa na silang esensyal na gear at pinion ng pagnanakaw at pandurugas na kailangan sa Kongreso. Biruin mong gumawa pa man din ng conglomerate -- JLN Group of Companies. Kung i-ni-PO nya siguro ang JLN, isang buwan na puros ceiling.

Congrats, Napoles, may 10 Milyon ng nakapataw sa ulo mo. Tsiken lang ito't madali mo lang madodoble para patuloy kang makapaglamyerda sa kung saan. Kung nasa dagat ka ngayon, bumili ka na lang muna ng isang isla. Dyan ka muna, dahil kapag lumakad ka sa Maynila, baka mamatay ka sa pamamagitan ng malililiit-malilingit na kurot ng masa. Ito yung pagkaliit-liit na na masakit na kurot at nagmamantal. Mamamaga ka muna nang doble sa maga mo ngayon bago matigok.

Hayup ka, Napoles.

Monday, August 12, 2013

Tungkol sa Century Properties at kay Robbie Antonio

Gusto kong mangumpisal: ang akala ko dati ang Century Properties Group ay pagmamay-ari ng mga kapitalista ng Century Tuna. Oo, ang akala ko yung angkan na may isang miyembrong nakapangasawa kay Nanette Medved ay nag-diversify sa pag-co-condominium, pero hindi pala.

Ang Century Properties ay minamando ng mga Antonio (hindi ng Fil-Chi ng Century Tuna na nakapangasawa ng isang Nanette Medved). Ang patriarch ng CPG ay si Jose or Joey, na dating ambassador sa Tsina (niluklok ng mga Arroyo).

(Si G. Ambassador, habang mataimtim na nag-iisip kung pano lalong kumita).  

Pero ang mga pinunong manedyer na umeeksena sa ngayon ay ang kanyang dalawang anak. At sa dalawa, si Jose Roberto o Robbie ang mas madalas magpa-interbyu at ma-kodak-an (katulad nitong larawan sa ibaba na kasama si Paris Hilton, na sumobra naman yata ang pakakapitpit sa dede!):

(Si G. Robbie na kahit anong bihis at porma ay may hapyaw-kargador-na-nabilad-sa-araw pa rin ang hitsura. Hindi mo mapapatungan ang pinoy looks. At bakit mo naman iwawaksi, Pare? 

Isa pang trivia: hindi raw nagsusuot si Robbie ng hindi tailor fit ayon sa isang interbyu. I-google na lang ang iba pa nyang narsisismo). 

Bagamat hanga ako kay G. Robbie sa pagtatapos nito ng MBA sa Stanford GSB (ang hirap makapasok dine), hindi ako humahanga sa kaululang proyekto nyang nagkakahalaga ng isang bilyon. Ang tinatawag pa mandin sa proyekto... Museum of Me. Sanamagan, basahin na lamang dito ang detalye (nasa Vanity Fair pa ang artikel).

(Biruin mong gumastos nang sangkaterbang-sangkatutak si G. Robbie para ipadrowing ang kanyang mukha kila Julian Schnabel, David LaChapelle, et al. Wow! Laglag-panty tiyak ang mga alta-sosyedad na matrona na nagsa-shopping sa Rustan's pagkatapos mag-mahjong) 

Ika nga ni Tiglao sa kolum na ito, di hamak na mas maigi sana na nagdonate na lamang si G. Robbie sa sa Ateneo ng isang bilding at tawagin, halimbawa, na Robbie Da Pogi Hall. Mas magiging pangmatagalan, mas mahaba ang mileage (panghambambuhay pa malamang), at magiging kapaki-pakinabang pa sa mas nakakararami ang isang bilyong piso.

Pero, baka naman sabihin ni G. Robbie  e hindi naman sya alumni ng Ateneo o LaSalle, kaya hindi papayag ang mga trustees na magpangalan ng Robbie the Pogi College of Hair Science nang basta-basta... Ang sagot? Aba, e de magdonate na lamang siya sa Libis Talisay Elementary School at palitan ang buong pangalan nito nang Mababang Paaralan ng Dakilang-Robbie-Da-Greyt-na-dinesenyo-IM-Pei, Inc. Elementary School. Patok yon, at tyak na papayag ang DECS District Supervisor dyaan sa may Caloocan.

Buweno, ang Century Properties ngayon ay lugmok ang presyo at matagal nang nagbabantang bumaba sa 1.2


Sa posturang ito ng presyuhan. mukhang maigi nang tumaya sa CPG bukas at sa mga darating na araw, dahil:

1) mura ang CPG sa 1.2. Biruin mong 5 lang ang P/E, mas mura pa sa ROCK (na isa pang kamote), samantalang di hamak na mas malaki ang kita ni CPG kay ROCK.
2) kung magtutuloy ang nasimulan kanina na pagtaas ng sector ng properties, dapat gumiya man lamang nang +5% ang CPG bago bumaba muli (kung gusto nyang bumaba muli).
3) Mukhang matibay ang suporta sa 1.2; kailangang tumalbog na ang presyo dito, at gumawa nang parang mini-head-and-shoulder pattern man lamang. Kung hindi, dausdos ito sa piso at krisis na (naubos ang pera sa Museo?).
4) dapat mahiya naman si CPG kay VLL na umarangkada na ng husto
5) nakabinbin din ang stock divs na tyak na magtutulak ng presyo kapag inananawns na ang ex-div date.

Bagamat bugbog ng reklamo ang nauna nilang condom dyaan sa Edsa Central na ampaw daw ang dingding, na kapag may nagyuyugyugan sa kabila ay maririnig mo raw ang mga bira at halinghing. (Pero anlakas na lab meyking naman siguro noon)... wag na muna  gano intindihin ito at ang Museum of Me. Lunukin na muna ang vanity ng mga Antonio. (Sana lang hindi ikinarga sa cost center ng CPG ang bayad sa Nakananginang Museo). Tumaya na nang konti sa CPG at ibenta agad kapag kumita na nang 8%.

Mag-ingat na lamang at magdahan-dahan sa pag-invest sa CPG. Mga-average down kapag bumaba pa sa 1.1. Kapag dumausdos pa nang mas mababa sa piso, kitilin na ang pagkatalo at masdan na lang ang mga poster ni Paris Hilton, at ang mga larawan ni G. Robbie-da-Poging-Pogi sa Museum of Me.